BILECO nagbigay ng 400 reams ng bond paper sa Schools Division Office of Biliran (SDO-Biliran) bilang donasyon para makatulong sa modular distance learning ng mga estudyante sa buong probinsya.
Sa CSR project ng kooperatiba na “Papel Kong Donasyon, Liwanag Para sa Batang Biliranon,” ay kusang nag-ambag-ambag ang mga kawani at opisyales nito maliban sa nakalaang pondo para dito upang madagdagan pa ang maibigay na papel para sa mga mag-aaral ng Biliran.
Ang power supplier ng kooperatiba na GN Power Dinginin Ltd. Co. ay nagbigay din ng ₱50,000 halaga bilang karagdagang donasyon ng bond paper para sa SDO-Biliran kung kaya’t ang nakalaang pondo ng Bileco na 100 reams ay umabot nang mahigit 400 reams na maipamimigay ng SDO-Biliran sa 140 schools na nasasakupan nito.
Pinangunahan ni Bileco BOD president, Dir. Reynaldo B. Rostata at GM Gerardo N. Oledan kasama si Dir. Jasper Aldrich Earl D. Maderazo (Caibiran District), ISD Manager Allan Joseph Borrinaga at Member Devt. Officer Ann Meracap ang pag-turnover ng mga papel sa SDO-Biliran Office ngayong araw. Saksi din sa ginawang turnover ng mga papel ang mga kawani ng DepEd RO8 na pinangunahan ni Asst. Reg. Dir. Arnulfo M. Balane.
Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ni Dr. Judella R. Lumpas, ang Schools Division Superintendent ng SDO-Biliran, pati na rin ng Schools Governance & Operations Division (SGOD) Chief na si Gng. Lucille Curso-Roa sa suporta at tulong na ibinahagi ng kooperatiba.
Batid ni Bileco na kakailanganin ng ating mga guro ang karagdagang papel para makapagprinta ng modules na siyang gagamitin ng mga mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng ating probinsya upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng kasalukuyang nararanasan na pandemya.
Nawa’y ang konting ambag ni Bileco at ng mga kawani nito kasama na ang power supplier na GNPD na simpleng papel ay magbigay ng pag-asa para sa mga batang Biliranon at liwanag sa kinabukasan nila.